Sa loob ng nakalipas na labinlimang taon, nalulong ako sa alak at ang buhay ko’y nasira. Nakagawa ako ng maraming maling desisyon at nasaktan ko ang damdamin ng aking mga mahal sa buhay. Pero, mahirap pa rin sa akin na aminin na ako’y mayroong problema. Sinubok ko nang huminto sa pag-inom ng labis ngunit hindi ako nagtagumpay. Maaaring nagkulang ako sa pagpupursige at ang nais ko lamang ay mawala ang problema hindi alak.
Madalas akong uminom noon ng sobra sa aking kapasidad. Sa umaga ang simula at madalas, matatapos ito ng madilim na ang araw. Nasanay na akong pumasok sa trabaho ng nakainom at nagagawa ko ring magmaneho ng sasakyan kahit nasa impluwensiya ng espiritu ng alkohol. Hindi ko naiisip noon na inilalagay ko hindi lamang ang aking sarili kundi pati na rrin ang ibang tao as peligro at kapahamakan. Naiinis ako sa aking sarili kapag naiisip ko ito ngayon. At nahihirapan akong balikan ang nakaraan.
Nagkaroon ako ng maraming maling desisyon sa buhay at nakagawa ng maraming kasalanan. May mga pagkakataong gumigising ako sa isang lugar na walang maalala sa mga nagyari nang nagdaang gabi. Nakipag-away ako sa mga kainuman dahil sa kalasingan.
Dalawang taon ang nakalilipas nang matauhan ako sa aking mga nagawa. Isang nabigong pagpapakamatay lamang pala ang gigising sa aking pagkakahimbing. Minsan, may mga bagay na masama na nakagagawa ng kabutihan kung titingnan sa ibang anggulo.
Narito ang ilan sa mga hakbangin na aking ginawa nang nagdesisyon ako noong huminto sa pag-inom ng alak upang ituwid ang mga baluktot na gawaing aking ginawa. Makatulong sana sa ibang mga tao ang lahat ng ito na nagnanais ding maithinto ang kanilang bisyo at mamuhay ng maayos at masaya.
UMAMIN SA PAGKAKASALA
Ang pag-amin at pagtanggap na mayroong kang problema na konektado sa pag-inom ng alak at ang hindi magawang pagkontrol sa paglalasing (binge drinking) ang unangdapat na maging hakbang kung ibig na matalo ang alkoholismo. Hindi magtatagumpay ang isang nilalang kung siya ay nasa estado ng pagkukunwari. Ang hindi pagtanggap na nangangailangan ng tulong ang isang tao tugnkol sa labis na pagkagumon sa nakalalasing na inumin ay magiging daan upang lalong maghirap ang taong ito ay maaaring mahirapan nang makalabas sa adiksyon.
GUMAWA NG ISANG PANGAKO AT TUPARIN ITO
Kapag nagawa mo na ang pag-amin na ikaw ay may problema na konektado sa alcohol, kinakailangan mong gumawa ng isang kasunduan sa iyong sarili tungkol sa pagtigil sa pag-inom. Ang kasunduang ito ang magtutulak sa iyo upang masidhing gampanan ang lahat ng bagay na kinakailangan upang malabanan ang alkoholismo.
KUMONSULTA SA ISANG ESPESIYALISTA
Kung nangangamba sa iyong kalusugan at nagdadalawang-isip ka kung makakaya ng iyong katawan ang paghinto sa pag-inom ng alak, maaari kang pumunta at makipag-usap sa isang doktor. Maaari kang makakuha sa kanya ng sapat na impormasyon tungkol sa iyong binabalak na pagtigil at maitutuwid niya ang iba pang mga bagay na maaaring mali sa iyong inaakala.
KUMUHA NG SUPORTA SA PAMILYA AT MGA KAIBIGAN
Ang pinakamahalagang sangkap sa iyong plano ay ang pagkakaroon ng sapat na suporta na buhat sa iyong mga mahal sa buhay. SIla ang patuloy na magsisilbing lakas mo upang masimulan, maipagpatuloy at makapagtagumpay ka sa iyong mithiin na maitigil ang alcohol sa pagsira sa iyong buhay. Sila rin ang makikinabang higit lalo sa iyong pagiging mabuti at responsableng tao kapag naitigil mo na ang labis na pag-inom ng alak.
Maaaring hindi magiging madali ang lahat ng ito lalo na kung nagsisimula. Ngunit kapag nasimulan na at naging positibo sa tingin sa mga binabalak, magiging madali na ang lahat at makikitang sa susunod na panahon ay malalabanan na ang adiksiyon nang madali at walang agam-agaw.